Home NATIONWIDE Mental health crisis hotline inilunsad ng BFP

Mental health crisis hotline inilunsad ng BFP

MANILA, Philippines – Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Lunes, Hunyo 10, na naglunsad ito ng mental health crisis hotline para sa mga taong nahihirapan sa kanilang mental health.

Sinabi ni BFP spokesperson Fire Superintendent Annalee Atienza na dumarami ang mga tangkang magpakamatay sa bansa nitong mga nakaraang taon. Noong 2023 lamang, sinabi niyang nailigtas ng BFP ang 31 biktima na nagtangkang wakasan ang kanilang buhay.

“Ayon sa data natin, sa statistics natin, nagkaroon po ng 15% increase ng rate ng mga suicide dito sa ating bansa. Nationwide, may bilang tayong 3,529 na mga suicide incidents,” ani Atienza sa isang interview.

Sa pamamagitan ng “Kalingang Bumbero” hotline, sinabi niya na 114 BFP personnel na sinanay na mental health professionals ang handang magbigay ng tulong para sa mga nangangailangan ng mental health support.

“Nag-undergo sila ng training dito sa ating National Center for Mental Health. Assistance ang ibibigay natin sa NCMH para matugunan itong mga pangangailangan na mental health ng ating mga kababayan, instead to just rescue them during their most down moment,” dagdag pa ni Atienza.

Ang mga naghahanap ng tulong para sa kanilang kalusugang pangkaisipan ay maaaring tumawag sa: 0962-458-4BFP(237).

Ang NCMH ay mayroon ding available na 24/7 crisis hotline: 1553 (national landline toll-free), 0919-057-1553 (Smart/TNT), o 0966-351-4518; 0917-899-8727 (Globe/TM). Santi Celario