MANILA, Philippines- Ikinaalarma ni Senator Christopher “Bong” Go ang paglobo ng kaso ng depresyon sa mga kabataang Pilipino kaya iginiit niya ang kagyat na pangangailangang palakasin ang mga interbensyon sa kalusugan sa isip, lalo sa mga paaralan at grassroots level.
Ang pahayag ni Go ay kaugnay ng bagong peer-reviewed study na inilathala sa Cambridge Prisms: Global Mental Health ng Cambridge University Press, kung saan natuklasan na ang pagkalat ng moderate to severe depressive symptoms sa mga Filipino na may edad 15 hanggang 24 ay tumaas mula 9.6 percent noong 2013 hanggang 20.9 percent noong 2021.
Ibinabala sa pag-aaral na ang trend ay hindi lamang sumasalamin sa lumalalang krisis sa kalusugan ng isip bagkus ay nagdudulot din ng malubhang pangmatagalang panganib sa indibidwal na kagalingan at pag-unlad ng kabataan.
Napansin pa ng mga mananaliksik na ang pagtaas ay nangyari ang pandemya ng COVID-19.
“Hindi puwedeng balewalain ang mental health ng kabataan. Sa dami ng problema sa paligid—mula sa social media hanggang sa personal na hamon sa buhay—kailangan nila ng kaagapay na handang makinig at tumulong,” ani Go.
“Tandaan natin ang kabataan ang future leaders at pag-asa ng bayan. Siguraduhin natin na maalalayan sila sa paraang akma sa panahon at sa kasalukuyan nilang mga hinaharap na isyu sa buhay,” dagdag ng senador.
Sinuri ng pag-aaral ang data mula sa 2013 at 2021 rounds ng Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS), isang nationwide survey na isinagawa ng UP Population Institute. Gamit ang pinaikling bersyon ng CES-D scale, tinasa ang mga sintomas ng depresyon tulad ng kalungkutan, kakulangan ng pagtulog, at pagkawala ng gana sa halos 30,000 youth respondents.
Bilang tagapangulo ng comittee on health at youth sa Senado, matagal nang isinusulong ni Go ang mga hakbangin upang alisin ang gap sa mental health, lalo sa mga komunidad na may limitadong access sa psychological care.
“Dapat may mapuntahan agad ang mga kabataan kapag nahihirapan sila. Hindi dapat ikinakahiya ang paghingi ng tulong pagdating sa kalusugang pangkaisipan,” idiniin ni Go. RNT