MANILA, Philippines – Isasama sa nalalapit na unified 911 emergency hotline, na ilulunsad sa Agosto o Setyembre, ang help desk para sa mga isyung mental health, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla sa isang press briefing sa Quezon City.
Magde-deploy ng mga trained counselors mula sa National Center for Mental Health (NCMH) upang magbigay ng psychosocial support. Magkakaroon ng isang desk sa 911 command center na nakatuon sa mental health intervention.
“Inaasahan naming mga 2% ng 50,000 tawag araw-araw ay tungkol sa mental health,” ani Remulla.
Bibili rin ang gobyerno ng bagong communication equipment, police vehicles, at fire trucks upang mapabilis ang pagresponde. Ang mga LGU ang magiging dispatch centers.
Sasagot din ang 911 sa mga insidente ng krimen, kalusugan, sunog, at iba pang kahina-hinalang aktibidad. Santi Celario