MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Qatar na walang Pilipinong nasaktan matapos pasabugan ng Iran ang U.S. Al-Udeid Air Base sa katimugang bahagi ng Doha nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa pamahalaan ng Qatar, walang nasawi o nasugatan sa naturang pag-atake.
Tiniyak din ng Qatar na handa itong tumugon sa anumang banta sa seguridad ng bansa at mga residente.
Pinayuhan ng embahada ang mga Pilipino sa Qatar na manatiling nakaalerto, tumutok sa balita, at sundin ang mga abiso ng embahada at lokal na awtoridad.
“Manatiling maalam, listo, mahinahon, at handa,” saad sa pahayag.
Ang missile attack ay ganti ng Iran sa pambobomba ng U.S. sa mga pasilidad nuklear nito noong weekend. RNT