MANILA, Philippines – Inaasahan ang pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng Mindanao dahil sa umiiral na easterlies, ayon sa ulat ng PAGASA ngayong Miyerkules.
Sa inilabas nitong 4 a.m. bulletin, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang easterlies—mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko—ang nakaaapekto sa ilang bahagi ng bansa.
Dahil dito, magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa mga lalawigan ng Southern Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, at Davao Occidental.
Nagbabala ang PAGASA na “ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga naturang lugar.”
Samantala, inaasahan naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulos-pulos na pag-ulan o pagkidlat-pagkulog, na dulot pa rin ng easterlies.
Ayon pa sa ahensya, “wala pang namamatyagang low pressure area na posibleng maging bagyo sa kasalukuyan.” RNT