
LUMILITAW na hindi pangalang dala-dala ang nagpanalo sa marami sa mga nanalong senador kundi ang karanasan ng higit na nakararaming mamamayan sa mga ito sa mga nakaraang panahon.
Siyempre may ibang mga dahilan gaya ng indorso ng mga partidong malalakas, laro ng mga grupong panrelihiyon at mga pangakong hindi napapako.
BONG GO
Halimbawa, itong si Senator Bong Go na kakaiba ang panalo sa unofficial election result.
Kakaiba dahil 5 milyon ang agwat nito sa pangalawa sa kanya, si ex-Sen. Bam Aquino.
Sa pagtatanong-tanong natin sa barangay, nakatulong nang husto sa pagbuhat sa kanya ng taumbayan bilang Number 1 dahil sa programa niyang pangkalusugan.
Aba, hindi biro-biro ang 17 milyong Pinoy na nabiyayaan ng primero proyekto niyang Malasakit Center.
BATO DELA ROSA
Sa kabila ng napakaingay na pagkondena sa pamumuno niya sa giyera sa droga, ipinagkatiwala pa rin sa kanya ang ikatlong pwesto.
Lumabas na niyakap ng nakararami ang resulta ng giyera sa droga, lalo’t marami ang nagsasabing nagsisibalikan ang droga sa maraming barangay.
Buong bansa naman talaga ang sinakop ng droga at halos lahat nagsasabi na naging matagumpay ang giyera sa droga lalo na laban sa mga epekto nito gaya ng rape, pagpatay, pagnanakaw, korapsyon sa iba pa.
ERWIN TULFO
Malaking karanasan kay Erwin Tulfo ang mabilis na aksyon nito sa parte ng mahihirap.
Sa maigsing panahon nito na pinuno ng Department of Social Welfare and Development, kinakitaan ito ng mabilis na pag-aksyon laban sa gutom at kahirapan, lalo na sa panahong emergency o kalamidad, bukod sa panghihirap nitong mga programa.
Kahit na sa panahon ng kawalan niya sa pwesto sa pamahalaan at bilang mediaman, kumalabit ka lang sa kanya, hindi lang siya nakikinig kundi umaaksyon.
RODANTE MARCOLETA
Kinakitaan si Congressman Rodante Marcoleta ng dunong at paninindigan sa anomang usapin, ligal man o hindi.
Binalewala ng taumbayan ang pagkakaisa ng ilang komite sa Kamara na umiitsapwera sa kanya sa mga pagdinig, kasama ang naganap sa kanya sa QuadCom kung tawagin.
Hindi rin tumalab ang pang-iismol sa kanya bilang miyembro ng isang relihiyon na minority umano kung ihahambing sa malalaking grupo ng relihiyon sa bansa.
PING LACSON
Hindi binibitiwan ng mga mamamayan ang paninindigan ni Ping Lacson laban sa korapsyon.
Siya ang nagdedetalye ng mga parte o kikbak ng mga opisyal ng gobyerno sa mga pagawaing bayan o imprastraktura hanggang sa nasa kalahati o maliit pa sa kalahati ang pondo talaga para sa mga proyekto.
Isa siya sa mga bibihirang mambabatas na hindi tumatanggap ng pork barrel na umaabot sa P200 milyon kada senador bawat taon at P70M para sa kongresman.
IMEE MARCOS
Ipagpalagay nang hindi mababago ang datos sa last two sa pagitan nina Lito Lapid at Imee Marcos, hindi inalintana ng mga botante ang puna na ito’y balimbing sa Marcos camp at Duterte Camp.
Halos alanganin siya sa mga survey ngunit nakatulong sa huli ang indorso sa kanya ni Vice President Sara Duterte at Iglesia ni Kristo.
Karanasan ng mamamayan na kapag may pinanindigan at pinaniniwalaan itong totoo, kumakapit ito roon at ‘di baleng mapulaan siya.