CAVITE, Philippines – Isang mexican national ang natagpuang sugatan sa isang pribadong subdivision sa Tagaytay City, Cavite.
Base sa report, kasalukuyang ginagamot ngayon sa Tagaytay Medical Hospital ang biktimang si alyas Jose, 46, taga Mexico at residente Scout Borromeo St., South Triangle, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-10:40 ng gabi, isang residente ng Brgy. Maitim II, Central ng nasabing lungsod ang nakapansin sa naturang dayuhan na naglalakad sa lugar at sugatan.
Dito kaagad na rumesponde ang mga operatiba ng Tagaytay CPS kung saan ay natagpuan ang biktima sa gilid ng isang creek malapit sa pribadong lugar.
Ayon naman sa nakasaksi, nahulog umano ang nasabing dayuhan sa nasabing creek.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung paano nahulog at napunta sa nasabing lugar ang dayuhan na siyang patuloy na sinisiyasat ng pulisya. MARGIE BAUTISTA