MANILA, Philippines- Hindi maaaring panagutin ang mga abogado sa paglabag ng notarial rules kung walang malinaw na ebidensya na pinahintulutan nila ang maling paggamit ng kanilang komisyon sa notaryo.
Sa desisyon ng Supreme Court First Division, ibinasura ang reklamong administratibo laban kina Atty. Delfin Agcaoili, Jr., Editha Talaboc, at Mark Oliveros dahil sa kawalan ng pruweba na pinayagan nila ang hindi awtorisadong paggamit ng kanilang mga notarial signature, notarial seal, at notarial register na may bayad.
Ang administratibong complaint ay nag-ugat sa umano’y pagnotaryo ng mga dokumento na may kaugnayan sa mga kasong kriminal na inihain sa Office of the Ombudsman hinggil sa Malampaya Fund. Ang mga dokumento ay nanotaryo umano gamit ang mga pirma, notarial seal, at mga rehistro ng mga respondent – na umano’y pineke ni Ben Hur Luy.
Sa ilalim ng Notarial Practice Rules, bawal ang pagnotaryo ng mga dokumento kung ang lumagda ay hindi humarap sa notaryo at hindi maayos na nakilala.
Pero sinabi ng Korte na walang konkretong patunay na kusang-loob na pinahintulutan ng mga respondent ang maling paggamit ng kanilang mga notarial register, stamp, at seal.
Binanggit nito ang ilang nawawalang elemento sa mga dokumento, kabilang ang mga detalye tulad ng mga serial number ng komisyon ng notaryo ng mga respondent, mga address ng opisina, mga chapter ng Integrated Bar of the Philippines, at mga numero ng Professional Tax Receipt. Nakakita rin ito ng mga iregularidad sa mga notarial certificate hinggil sa bisa ng kanilang notarial commission.
Bagama’t nadeklarang wala silang mga notarial violation, naparusahan sina Atty. Talaboc at Atty. Oliveros dahil sa paglabag sa Canon III ng Code of Professional Responsibility and Accountability dahil sa hindi nila pagsunod sa mga direktiba ng Integrated Bar of the Philippines nang iniimbistigahan nito ang kaso. Teresa Tavares