Home NATIONWIDE Tsina nagpondo ng seminar para sa Pinoy vloggers – Angeles

Tsina nagpondo ng seminar para sa Pinoy vloggers – Angeles

MANILA, Philippines- Inamin ni dating Presidential Communications Office (PCO) Secretary Trixie Cruz-Angeles na ilang Pinoy vloggers ang dumalo sa seminar sa China.

Ayon kay Angeles, ang lahat ng ginastos para sa nasabing seminar ay kinober ng Chinese government.

Ang pag-amin ay ginawa ni Angeles sa Tri Comm hearing matapos ipakita ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez ang isang litrato ng mga dumalo sa National Radio and Television Administration (NRTA) of China seminar kung saan kasama ang dating kalihim at pro-Duterte vloggers.

Hindi naman itinaggi ni Angeles ang seminar at kinilala nya ang mga nasa litrato na kanyang kasama, aniya, ang sponsored seminar ay naganap noong May 23 hanggang June 5, 2023 sa China.

“Myself, Pia Morato, Tio Moreno – who was there as a journalist and I think an information officer – Mr. Mark Lopez and Attorney Ahmed Paglinawan,” pahayag ni Angeles kung saan ang ibang pangalan ng nasa litrato ay hindi na umano niya maalala.

Kinumpirma ni Angeles na ang gastos sa travel, accommodation at seminar ay binayaran lahat ng China at ang layunin nito ay ipakita sa mga dumalo ang mga bagong trend sa social media.

“They introduced new techniques in social media such as short-form videos, how to take them and other technical aspects. They also gave a background on China,” ani Angeles.

Itinaggi naman ni Angeles na nagkaroon ng impluwensya sa kanyang mga content ang pagdalo nya sa seminar.

“The new learning was their teaching of short-form videos – reels, TikTok and one-minute YouTube videos,” paliwanag pa nito.

Inamin din ng pro-duterte vlogger na si Mark Anthony Lopez na kasama siya sa seminar at dito niya mas nalaman kung paano gumagana ang media sa China.

Dumepensa naman si Lopez sa pagsasabing ito lamang ang China-sponsored seminar na kanyang nadaluhan. Gail Mendoza