MANILA, Philippines- Iisyuhan muli ng House of Representatives ng subpoena ang vloggers na hindi dumalo sa ikatlong pagdinig ng House Tri Committee na dumidinig sa isyu ng fake news at disinformation.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ,ang mga ito ay una nang nabigyan ng show cause order kaya ang sunod na hakbang ay subpoena at kung hindi pa rin tatalima ay maaaring kasuhan ng contempt at ipaaresto.
“At this point, since we have already issued a show-cause order. Because of your non-appearance, this committee now is compelled to issue a subpoena,” paliwanag ni Pimentel.
Ang social media personalities ay pinadadalo sa susunod na pagdinig ng komite sa Abril 8.
Una nang dumalo sa TriComm Hearing noong Biyernes ang walong vloggers na sina dating Presidential Communication Office Secretary Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Ahmed Paglinawan, Elizabeth Joie Cruz, Ethel Pineda Garcia, Mark Anthony Lopez, Mary Jane Quiambao Reyes, Marc Louie Gamboa, at Richard Tesoro Mata.
Ang pagdalo ng vloggers ay resulta umano ng pagbasura ng Supreme Court sa kanilang hirit na Temporary Restraining Order (TRO). Gail Mendoza