![ultimatum-new-799x420](https://remate.ph/wp-content/uploads/2023/11/ultimatum-new-799x420-1-640x336.jpg)
SIMPLE lang ang katwiran ng Korte Suprema nang ianunsyo nitong kailangang ibaba sa 74 porsyento ang pasadong grado at hindi 75% para sa bar examinations ngayong taon.
Kailangan ang maraming abogado sa bansa, lalo na sa mga probinsya.
Kaya naman, ayon kay 2024 Bar Chairperson Associate Justice Mario Lopez, nang dahil sa ibinabang porsyento ng grado, nadagdagan ng 953 ang pumasa sa pagsusulit sa halip na nasa 3,000 lamang.
Ngayon, makaaasa kahit papaano ang mga mamamayan na may makikitang abogado sa mas maraming lugar sa bansa.
Kung makatutulong sa paglutas ang mga abogado sa sandamukal na problema ng mga mamamayan, ibang usapan ‘yan.
Pero ipagdasal na lang natin na magtagumpay ang napakagandang intensyon ng Korte Suprema.
Sinasabi natin ito dahil, sa karanasan, naging problema rin ang mga abogado, lalo na sa mahihirap na hindi kayang ibigay ang napakataas na attorney’s fee, libo-libong piso kada hearing, bayad sa position paper o brief, filing fee, stenographic records at iba pa.
ANG PAO AT IBP
Nakararanas lang ng ginhawa ang mga mamamayan kung may mga organisasyong gaya ng Public Attorney’s Office na umiintindi sa mga problemang ligal ng mahihirap.
Nasa ilalim ni PAO chief Atty. Persida Acosta ang PAO at hindi siya nagdadalawang-isip, kasama ang mga PAO lawyer, na magpadala ng abogado sa mga nangangailangan.
Buhay na karanasan ito sa hanay ng mediamen na karamihan ay mahirap din sa buhay.
Siyempre pa, meron ding serbisyo ang lahat ng chapter ng Integrated Bar of the Philippines para sa mahihirap, bukod sa gawang indibidwal ng mga abogado.
May ilang abogado nga sa mga lalawigan na hanggang isang tray na itlog o isang kataying manok o isang kilong isda lang ibinabayad sa magandang serbisyo ni attorney.
Marami ring kasong pambarangay ang hindi na nakararating sa mga Katarungang Pambarangay nina Kapitan at Kagawad dahil ipinalulutas na ng mga hindi nagkakaintindihan ang problema nila kay attorney.
PROBLEMA SA MGA ABOGADO, HUWES
Sa usaping kakulangan ng abogado, bigla nating naalaala ang mga nasasawi, nababalda, nasususpinde ng hanggang tatlong taon, nadi-disbar, nag-aabroad, umaayaw na sa propesyon, pumapasok na empleyado sa gobyerno at iba.
Dito talaga kitang-kita ang kakulangan ng mga abogado.
Maging ang kakulangan ng mga huwes, kitang-kita rin kung pupunta ka sa mga korte na roon nakapaskil ang nasa 30 o higit pang dinidinig araw-araw.
Ganito rin ang kalagayan ng mga huwes na may ilang bayan at lalawigan na sakop ng iisang huwes.
Kung may 30 kaso sa isang araw at may hawak ang judge na limang korte sa tatlong lalawigan, kailan malulutas ang mga kaso?
Kaya nga naiisipan na lang ng iba ang magbarilan o magtagaan, magbardagulan sa iba’t ibang paraan para malutas lang ang mga alitan o hindi nila pagkakaintindihan.
Hindi nila kailangang mag-abogado pa at magsampa ng kaso dahil magastos ito hanggang sa gagastos din sila sa pagpapadoktor, pagpapaospital, cremation, punerarya at pakikialam ng mga iskalawag na pulis at iba pa.