Manila, Philippines – Naging emosyonal si Niño Muhlach nang siputin ang Senate investigation kaugnay ng kaso ng kanyang anak na si Sandro.
Pinamumunuan ni Senator Robin Padilla ang imbestigasyon na ang paksa’y Policies of TV Networks and Talent Managment Agencies in Relation to Complaints on Sexual Harassment and Abuse.
Inilahad ng dating Child Wonder ang kanyang matinding sama ng loob kay Jojo Nones, isa sa dalawang akusado.
Nakatrabaho raw kasi niya ito sa comedy-action series na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla.
Si Nones na kung tawagin daw ni Niño ay “Sir Jojo” ang head writer nito.
Samantala, inamin ni Niño na hindi niya kilala si Richard Cruz.
Kapwa wala sa hearing sina Nones at Cruz at sa halip ay isang sulat ang kanilang ipinadala na binasa ni Sen. Jinggoy Estrada.
Pagkabasa nga’y pinunit ni Estrada ang sulat at kaagad na ipinag-utos na i-subpoena ang mga ito para humarap sa Senado.
May ilan namang kumukuwestyon kung bakit kinakallangan pa raw ng Senate probe gayong naidulog na nga raw ang kaso sa NBI?
Sa NBI rin daw, ayon kay Niño, sumasailalim ng counselling si Sandro.
Kaya raw ba nag-step in ang Senado’y dahil may kuneksyon si Niño sa ilang senador na mga kasamahan din sa industriya?
At any rate, mukhang mahaba ang lalakbayin ng kasong ito lalo’t walang direktang kaugnayan ang Senate topic sa mga akusado dahil hindi naman sila mga empleyado ng GMA kundi contractual talents. Ronnie Carrasco III