Home METRO PCG rumesponde sa molasses spill sa NegOcc

PCG rumesponde sa molasses spill sa NegOcc

MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na tumugon ito sa molassess spill sa karagatan sakop ng Sagay Feeder Port sa Sagay, Negros Occidental.

Nitong Miyerkules, napansin ng port personnel ang discoloration ng katubigan sa paligid ng MT Mary Queen of Charity.

Nagsasagawa ng shore-to-ship operations ang 490-GT vessel mula sa lorry truck na nagkarga ng molassses sa barko. Humigit-kumulang 300 metriko tonelada ng molasses ang naikarga nang ma-monitor ang discoloration sa nasabing katubigan.

Hinihinala ng port personnel na tumapon ang hindi mabatid na dami ng molasses habang isinasagawa ang operasyon.

Agad namang tumugon ang PCG team na inatasan ang master ng barko na itigil ang pagkarga ng molasses habang sinusuri ang buong paligid ng katubigan.

Nagsagawa na rin ng water sampling ang Marine Environmental Protection Unit (MEPU) ng PCG gayundin ang pagpigil at recovery operations.

Nakipag-ugnayan na ang PCG sa City Environment and Natural Resources (CENRO) at sa kaukulang local government unit (LGU) para sa karagdagang hakbang.

Samantala, inatasan ng CG response team ang master ng motor tanker na maghain ng marine protest kaugnay sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden