Home METRO P3.2M unregistered luncheon meat nasamsam sa Taguig 

P3.2M unregistered luncheon meat nasamsam sa Taguig 

Larawan mula sa Facebook (SPD)

MANILA, Philippines- Sinalakay ng mga pulis ang isang warehouse sa Taguig na hinihinalang nagbebenta ng unregistered food products, partikular ang luncheon meat. 

Pinangunahan ng Southern Police District’s Special Operations Unit ang operasyon katuwang ang District Intelligence Division, National Intelligence Support Group (NISG National Capital Region and Taguig Police’s Substation 2, at mga kinatawan mula sa Food and Drug Administration’s Field Regulatory Operations Office at Regulatory Enforcement Unit. 

Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Presiding Judge Mariam Bien ng Taguig Regional Trial Court Branch 153, nagsagawa ang mga awtoridad ng operasyon sa isang warehouse sa loob ng Veterans Center sa Taguig. 

Target ng nasabing operasyon ang ilegal na pagbebenta ng unregistered food products, partikular ang luncheon meat.

Sa nasabing operasyon, nasabat ng mga awtoridad ang 1,355 kahon ng unregistered luncheon meat na may tinatayang market price na P3.25 milyon, marked money at sales receipts.

Nadakip sina alyas Angelica, 29, business owner; alyas Kristine, 44, cashier/secretary; alyas Mhar, 33, warehouseman; at alyas Joey, 41, warehouseman. 

Kasalukuyan namang tinutugis sina alyas Jinky, alyas Harry, at alyas Insu na kapwa subject sa isang follow-up operation.

Nanatiling tikom ang mga nadakip na suspek at dinala sa Detective and Special Operations Unit ng SPD para sa dokumentasyon.

Magsasampa ang mga pulis ng reklamong paglabag sa Republic Act 9711, o ang Food and Drug. Administration (FDA) Act of 2009, laban sa mga suspek. RNT/SA