Home OPINION MGA ALKALDE, MGA OPISYAL NG BARANGAY MAGING MAINGAT SA PERMIT

MGA ALKALDE, MGA OPISYAL NG BARANGAY MAGING MAINGAT SA PERMIT

HINDI lang pala mga opisyal ng barangay kundi maging ang mga alkalde ng mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa ang dapat na maging maingat sa pagkakaloob ng permiso sa anomang uri ng aktibidad na gaganapin sa kanilang nasasakupan.

Marami kasing mga kaganapan at iba pang mga uri ng aktibidad ang nabibigyan ng permiso ng lokal na pamahalaan, gamit ang resolusyon na ipinasa ng mga opisyal ng barangay sa isang lugar na pagdarausan ng okasyon kaya’t nagiging tali ang kamay ng mga pulis para ipatigil ito dahil nga sa ligal na dokumento.

Pero siguro, magiging eye opener na sa mga opisyal ng barangay at alkalde ng mga lungsod at munisipalidad, ang inilabas na desisyon noong nakaraang Mayo ng Office of the Ombudsman na nag-utos ng pagsibak sa tungkulin ng alkalde ng isang bayan sa Zamboanga del Norte, pati na sa apat na Punong Barangay dahil sa pagpayag na magkaroon ng iligal na tupada.

Alam naman ng lahat na ang sabong ay hindi maituturing na ligal kung walang permiso mula sa ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa nito at ng lokal na pamahalaan na nakasasakop sa cockpit arena.

Kapag ang laban ng mga panabong na manok ay ginawa sa bakanteng lote o tagong lugar at wala itong permiso sa pamahalaan, ito ay tupada at itinuturing na iligal.

Nagaganap ito sa mga lalawigan at bayan kapag may malaking okasyon o kaya naman ay pista na ang permit at mula sa alkalde o punong barangay dahilan upang hindi hulihin ng mga miyembro ng Philippine National Police.

Pero ang nangyari kasi sa alkalde at mga opisyal ng isang bayan sa Zamboanga del Norte, may naghain ng reklamo laban sa kanila dahil nga sa pagbibigay pahintulot na magdaos ng tupada sa labas ng cockpit arena bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang pista.

Nagpasa ng resolusyon ang apat na chairman ng apat na barangay na naging batayan ng alkalde para bigyan ng permiso ang pagdaraos ng tupada kaya lang sa hatol ng Ombudsman, bukod sa kanilang pagkakasibak sa tungkulin, hindi na kailanman sila puwedeng payagang makaupo sa anomang posisyon sa gobyerno, elected man o appointed, kaya tapos ang political career ng mga opisyal.

Syempre, ang katuwiran ng alkalde ay politically motivated ang inihaing reklamo ng kanyang kalaban sa politika pero ibinasura ito ng Ombudsman dahil malinaw na nilabag ng mga opisyal ang Presidential Decree No. 449 na nagsasaad na ang sabong ay pinahihintulutan lamang sa mga lisensiyadong cockpit, pati na ang Local Government Code na nagbabawal sa mga lokal na opisyal na panghimasukan ang ganitong uri ng kaganapan at iba pang operasyon ng ligal na sugal.

Kaya kwidaw sa mga alkalde at opisyal ng barangay sa mga lungsod at munisipalidad, huwag kayong basta-basta maglalabas ng permiso at resolusyon para magamit bilang armas sa pagbibigay pahintulot sa iligal na aktibidad sa inyong nasasakupang lugar dahil baka masilip ito ng inyong mga kalaban sa politika.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articleANGAT DAM MAY SAPAT NA TUBIG PARA SA EL NIÑO, AYON SA PAGASA
Next articleKRISIS SA TRANSPORTASYON, NAIBABALA NA NOON