Home OPINION KRISIS SA TRANSPORTASYON, NAIBABALA NA NOON

KRISIS SA TRANSPORTASYON, NAIBABALA NA NOON

ANG krisis sa sektor ng pampublikong transportasyon, matapos igiit ng jeepney drivers sa gobyerno ang pagbasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program, ay isang inaasahang trahedya na ibinabala ni dating Vice President Leni Robredo noong Abril 2022.

Inisa-isa ni Robredo ang mga paghamong kakaharapin ng sektor ng transportasyon, binigyang-diin ang mga kondisyon ng programa na magdudulot ng problema. Isinulong niya noon ang pagpapalawak sa subsidiya at mas magaang na paraan nang pagbabayad, ang mismong mga isyung pinoproblema sa kasalukuyan.

Ang isang buwang grace period ng Land Transportation Franchising and Regulaotry Board o LTFRB, na nagpalawig sa consolidation deadline, ay patunay na hindi talaga praktikal ang programa. Ang kabiguan ng administrasyong Marcos na matugunan ang mga tunay na ikinababahala ng mga grupong namamasada ay nagresulta sa magulong sitwasyon kung saan halos 70% ng mga jeepney ang hindi pa rin consolidated.

Ang mga problemang ito na inasahan na ni Robredo ay nagbunyag sa kapabayaan ng pamahalaan, iginiit ang isang hindi matinag-tinag na PUVMP sa panahong hindi pa talaga nakababawi ang ekonomiya mula sa pandemya, na kabilang sa mga naapektuhan ang operators. Ang bahagya na lang na paggamit sa budget na inilaan sa service contracting ay lalo pang nagbigay-diin sa pangangailangan ng administrasyon na manindigan sa isang makabuluhang reporma.

Habang tuluy-tuloy na lumalaban ang mga tsuper para manatili sa lansangan, sinisisi ang pagbibingi-bingihan ang gobyerno sa mga puntong dati nang inilatag ni Robredo noong kumakandidato siya sa pagkapangulo.

Kung hindi pareho ng pananaw sa isyu sina Marcos at Robredo, aminin man lang sana ng Presidente ang kaguluhang hinaharap ngayon ng sektor ng pampublikong transportasyon dulot ng naibabalang krisis na ipinagkibit-balikat lamang.

Halimbawa na lamang, iginiit ng mga grupo ng manggagawa ang banta na idudulot ng krisis sa kabuhayan ng mga empleyado. Tinaya ng Federation of Free Workers na aabot sa 144,000 ang mawawalan ng pagkakakitaan dahil sa PUVMP. Binigyang-diin naman ng Partido Manggagawa ang nakaambang pagkawala ng prangkisa ng mga tsuper, na may direktang epekto sa kalayaan nilang maging kasapi ng isang grupo.

Bukod pa rito, dumagdag sa krisis ang usaping pangkalikasan na inilutang ng Philippine Movement for Climate Justice .Pinabulaanan ng PMCJ ang sinasabi ng gobyerno na pabor sa kalikasan ang programa, iginiit na bigo ang PUVMP na tumalima sa mga rekomendasyon ng UN para sa isang transportasyon na sustainable at energy-efficient.

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleMGA ALKALDE, MGA OPISYAL NG BARANGAY MAGING MAINGAT SA PERMIT
Next article S.B. 1121 NI SEN. POE VS TRANSPORT ACCIDENTS