IBINIDA ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang mga pangunahing proyekto nito na hindi lang makakatulong sa ekonomiya ng bansa kundi maging sa transportasyon ng mga Pilipino.
Sa ginanap na Transport and Logistic Forum 2024, ipinagmalaki ni PRA Chairman Alex Lopez ang reclamation project sa Manila Bay, partikular sa lungsod ng Pasay, kung saan inaasahang magiging bagong tahanan ng nasa mahigit dalawampung hotels at iba pang commercials establishments.
Ayon kay Lopez, dito rin itatayo ang bagong opisina ng PRA at ang sinasabing legacy infra project ng Marcos Administration na International Convention Center na mahigit sa doble ang laki sa PICC at SMX Convention Center.
Paliwanag ni Lopez, target nila sa PRA na tuparin ang adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bagong Pilipinas.
Ito aniya ang bagong Pilipinas na kayang suportahan ang mga lumalagong pangangailangan ng mga Pilipino.
Samantala, ginagawa ng PRA ang lahat para matiyak na hindi mawawalan ng kabuhayan ang mga mangingisdang maapektuhan ng nangyayaring reklamasyon sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay Lopez, maraming pamamaraan na ginagawa ang kanilang ahensya para matiyak ang kabuhayan ng mangingisdang pinoy.
Aniya, una dito ang hindi pagbabawal sa mga ito na mangisda sa oras na makumpleto na ang reclamation project sa Pasay.
Sinagot din ni Lopez ang kritisismo sa reklmasyon ng pamahalaan sa Pasay kung saan sinasabing nawalan ng pangisdaan ang mga fisherfolks sa lugar, giit ng opsiyal na dirty water o patay na tubig na ang karamihan ng nireclaim na tubig sa Manila Bay.
Mas marami at mas malinis aniya ang tubig at mas maraming mahuhuli ang mangingisda sa oras na mailayo ang mga ito sa patay ma tubig na meron ngayon sa Manila Bay.
Bukod pa aniya dito ang mga livelihood program ng pamahalaan kung saan prayoridad hindi lang ang mga mangingisda kundi maging ang pamilya nito.