Home NATIONWIDE Mga bangko ‘di pwedeng basta tumanggi sa bayad ng mga nanghihiram –...

Mga bangko ‘di pwedeng basta tumanggi sa bayad ng mga nanghihiram – SC

MANILA, Philippines- Hindi maaaring tanggihan ng mga bangko nang wala sa katwiran ang pagbabayad ng mga nanghihiram na nanganganib na maharap sa mas mataas na interes at karagdagang mga singil.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa, inatasan ng Third Division ng Korte ang Premiere Development Bank na tanggapin ang tseke na ibinayad ng mag-asawang Engracio T. Castañeda at Lourdes E. Castañeda bilang kabuuang bayad sa kanilang personal na utang.

Ang mag-asawa ay kumuha ng P2.6 milyong personal loan mula sa bangko. Pero nagsilbi rin silang surety sa tatlong utang na nagkakahalaga ng P86.8 milyon na kinuha ng dalawang kompanya kung saan nagsilbing presidente at bise presidente si Engracio.

Nang magbayad ang mag-asawa ng P2.6 milyon para sa kanilang personal loan at P6 milyon para sa isa sa corporate loans, hinati-hati ng Bangko ang bayad sa apat na utang.

Sa desisyon ng Korte, dapat itinuring ng bangko na kabuuang bayad sa personal loan ng mag-asawa ang P 2.6 milyon. Sa ilalim ng Article 1252 ng Civil Code, maaaring magpasya ang nagpapahiram kung paano i-aapply ang bayad kapag hindi nagsabi ang nanghihiram. Pero para lang ito sa iisang nanghihiram na may maraming utang.

Ayon pa sa Korte, mali ang bangko sa pagtrato sa mag-asawa at sa mga kompanya bilang iisang nanghihiram, na pinagsasama ang mga pagbabayad para sa magkahiwalay na personal at corporate na mga utang, dahil ang mag-asawa at ang mga kompanya ay magkaibang entity. Teresa Tavares