Home NATIONWIDE Mga barko ng China sa Scarborough Shoal, dumami – AFP

Mga barko ng China sa Scarborough Shoal, dumami – AFP

MANILA, Philippines – Dumami ang bilang ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at Chinese maritime militia vessels (CMMV) na namonitor sa Scarborough Shoal, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Miyerkules, Abril 10.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, hanggang alas-5 ng hapon nitong Martes, mayroong apat na barko ng CCG at 20 CMMV sa bisinidad ng shoal.

Karaniwan ay mayroon lamang dalawang barko ng CCG ang nakatalaga sa loob ng lagoon.

Sa kabila nito, tumanggi naman si Padilla na magbigay ng ispekulasyon sa dahilan ng pagtaas sa bilang ng mga ito.

“These [vessels] come and go, at one time, we have sightings of four [CCG vessels]. For any reason, we cannot speculate,” pahayag ni Padilla sa panayam.

Samantala, sinabi rin ni Padilla na mayroong isang barko ng CCG at apat na CMMV ang nakita sa bisinidad ng Ayungin Shoal, kung saan matatagpuan ang BRP Sierra Madre.

Isang CCGC, 14 CMMVs at isang People’s Liberation Army Navy warship ang namataan malapit sa Pagasa Island, habang tatlong CMMVs ang namonitor sa Panatag Island.

Wala nang iba pang barko ng China ang nakita sa iba pang maritime features ng West Philippine Sea. RNT/JGC