Home NATIONWIDE Mga benepisyaryong Aeta sa Tarlac pinagkalooban ng mga kalabaw ng DSWD

Mga benepisyaryong Aeta sa Tarlac pinagkalooban ng mga kalabaw ng DSWD

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang turnover ng mga farming carabaos sa Pag-Abot program beneficiaries sa Barangay Maruglu, Capas, Tarlac bilang parte ng livelihood assistance sa Aeta community.

Nabatid sa ginanap na ceremony nitong Huwebes, Mayo 30 na 50 miyembro ng Tarlac Aeta community ang nabigyan ng kalabaw at P10,000 cash aid na magagamit bilang puhunan o pambili ng mga kakailanganin sa pagsasaka.

“Bumalik kami kasi natandaan ninyo pumunta kami dito, nakinig kami sa pangangailangan ninyo. Ang utos sa amin ng ating Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. ay siguraduhin na ang serbisyo ng DSWD ay para sa lahat. Wala dapat naiiwanan,” sabi ni Secretary Gatchalian.

“Ayaw po namin na maramdaman ninyo na malayo kami. Ang utos ng Pangulo, ang mga ahensya ng pamahalaang nasyunal dapat sa kasuluk-sulukan na lugar ng Pilipinas nararamdaman at nakikita po Ninyo,” dagdag pa ng Kalihim.

Nauna rito, sa ginanap na pagbisita ng DSWD chief sa Aeta community noong Pebrero, nagsagawa na ng profiling activity ang mga social workers upang madetermina ang mga pangangailangan ng naturang komunidad sa ibat ibang mga sitio ng Barangay Maruglu.

Dagdag pa ni Gatchalian ang pamamahagi ng kalabaw at livelihood assistance ay isa lamang sa marami pang mga programa ng ahensya upang matiyak na mapapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan.

Katuwang ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Capas Municipal Mayor Roseller B. Rodriguez, tiniyak ng DSWD chief na makaaasa ang Aeta community ang patuloy na suporta ng gobyerno para sa kanila.

“Alam ko naman, tutulungan kami, sabi nga ni Mayor, tutulungan kami na ma-sustain at ma-maintain ang programa na ito,” sabi pa ni Gatchalian.

Ang pamamahagi ng kalabaw at livelihood grants sa mga Aetas sa Tarlac ay bahagi ng reach out operation ng DSWD noong Disyembre 2023 na Pag-Abot sa Pasko program. Santi Celario