Home NATIONWIDE Tolentino: Wala akong kontrol sa mga sticker na inilalagay ng escorts sa...

Tolentino: Wala akong kontrol sa mga sticker na inilalagay ng escorts sa mga sasakyan

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino, dating namumuno sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na walang kontrol ang kanyang tanggapan sa kung anong marka o stickers ang ilalagay ng kanilang mga escort sa kanilang mga sasakyan.

Ginawa ni Tolentino ang paliwanag ay matapos arestuhin ng Highway Patrol Group (HPG) ang dalawang tauhan ng MMDA dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng police insignia na nakalagay sa mga sticker na nakakabit sa windscreen at saddle box ng kanilang mga motorsiklo.

Gayunman, sinabi ng HPG na awtorisado ang dalawang MMDA personnel na magbigay ng seguridad sa senador.

“The apprehended motorcycles are property of the MMDA. This is an internal MMDA matter. My office does not have any control as to what markings they attach on their vehicles, or even their helmets or belts,” ayon sa dating MMDA chairman.

“No violation of existing laws relative to insignias was committed as the stickers were not attached to their uniforms. I want to assure the public that I supported the authorities involved in the investigation conducted,” idinagdag ni Tolentino.

Ayon sa senador, dapat pang palawakin ang imbestigasyon sa dalawang tauhan ng MMDA na nahuling gumagamit ng commercially available stickers na may mga simbolo ng Philippine National Police (PNP) hanggang sa matukoy ang pinagmulan ng kanilang mga decal.

“My concern right now is the physical and mental safety of the MMDA personnel as they were detained by the HPG and they have been provided with legal assistance. And I was just informed that said MMDA personnel were already released from detention for lack of sufficient evidence, by the Department of Justice. According to the PNP-HPG director, the motorcycle riders were duly authorized,” anang senador.

Binanggit din ng senador na personal niyang hiniling sa MMDA na tanggalin agad ang lahat ng stickers, ito man ay decorative o intentional decals at siguruhin ang pagsunod sa lahat ng kaukulang regulasyon.

Inaresto ng mga operatiba ng HPG ang dalawang tauhan ng MMDA noong Mayo 29 sa J.W. Diokno Avenue, kanto ng Aseana Avenue matapos mapansin na gumagamit sila ng sirena, na paglabag sa Presidential Decree 96 at Joint Administrative Order (JAO) 2014-01 (motorcycle vehicle operating with unauthorized accessories, and devices such as blinkers and siren).

Ang dalawang escort ay nakatalaga sa traffic aide unit ng MMDA at pinayagang magbigay ng seguridad kay Senator Tolentino.

Humingi naman ng paumanhin ang senador sa insidente at sinabing dapat imbestigahan ang paggamit ng PNP stickers at mga source nito.

“My sincerest apologies to the public who I always strive to serve with integrity and transparency, and those concerned agencies affected,” ani Tolentino.
Depensa naman ng mga inarestong tauhan ng MMDA, dati nang nakalagay ang mga police markings bago pa nila gamitin ang mga motorsiklo.

“Re-issue yun eh, ‘di naman galing sa amin ‘yun so nu’ng kinuha namin ‘yung motor may markings na ng pulis na naka-sticker,” ayon sa tauhan ng MMDA na naaresto. RNT