Home NATIONWIDE Writ of Kalayaan sa PDLs isinusulong pa rin ng SC sa kabila...

Writ of Kalayaan sa PDLs isinusulong pa rin ng SC sa kabila ng pagtutol ng BuCor

MANILA, Philippines – Malaki ang maitutulong ng panukalang Writ of Kalayaan ng Korte Suprema sa patuloy na hakbang ng pamahalaan para mapabuti ang mga jail facility at matiyak ang karapatang pantao ng persons deprived of liberty (PDLs).

Sa talumpati ni Senior Associate Justice Marvic Leonen sa mga bagong abugado ng Integrated Bar of the Philippines Caloocan-Malabon- Navotas (CalMaNa) Chapter, iginiit nito ang kahalagahan na matugunan ang napakalagi at matagal ng problema ng siksikan sa mga kulungan.

Umaasa si Leonen na sa sandaling maipatupad ang writ of kalayaan ay maitutuwid na ang kondisyon ng pagkakulong at pagtrato sa PDLs.

Sa pinakahuli aniyang World Prison Brief ay nasa ikatlo ang Pilipinas sa pinakamataas na prison occupancy sa buong mundo.

Binanggit din ng mahistrado ang naging pag-aaral noong 2022 ng Commission on Audit sa Bureau of Jail Management and Penology kung saan sa 478 na bilangguan ay 323 ang mataas ang occupancy rates kung kaya hindi maayos ang living conditions ng PDLs.

Ang writ of kalayaan ay isang ‘continuing order’ kung saan ang mga nangangasiwa sa mga PDL ay kailangan sumunod sa mga plano ng Korte na ayusin ang mga substandard o hindi magandang kondisyon ng mga prison facility sa itinakdang panahon.

Sakaling hindi ito maipatupad, maglalabas ang Korte ng kautusan para mapalaya ang PDL sa pamamagitan ng bail, recognizance o probation.

“The writ of kalayaan is an extraordinary remedy for PDLs created through the Court’s constitutional power to promulgate rules concerning protecting and enforcing our fundamental rights.It aims to rectify the conditions of confinement and address not only the congestion of facilities but any issue that frustrates the inherent dignity and humane treatment of PDLs.”

Una nang tinutulan ng Bureau of Corrections ang isinusulong na writ of kalikasan ng Supreme Court.

Sinabi ni BuCor director general Gregorio Catapang Jr. na ang mga usapin sa jail conditions, pagtrato sa mga PDL at paraan ng pagpapalaya sa mga ito ay dapat na lamang ipaubaya sa lehislatura at sangay ng ehekutibo. Teresa Tavares