MANILA, Philippines- Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tiyaking ganap na maipapaalam sa bawat Pilipino ang kanilang membership status at mga benepisyong dapat makuha sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law.
Tagapangulo ng Senate committee on health and demography, idiniin ni Go na kailangan ng matibay na katibayan ng pagkakakilanlan ng mga miyembro ng PhilHealth na malaking tulong sa pagpapalakas ng kamalayan ng publiko sa pag-access ng mga libreng serbisyong pangkalusugan.
“Napakahalaga na alam ng bawat Pilipino na miyembro sila ng PhilHealth. Kapag sigurado sila sa benepisyo nila, hindi sila matatakot na magpa-check up o magpaospital,” ayon sa senador.
Ipinunto ni Go na sa kabila ng automatic coverage ng lahat ng Filipino sa ilalim ng UHC law, marami pa rin ang hindi nakaaalam ng kanilang membership.
Binanggit niya ang kamakailang numero mula sa PhilHealth na nagpapahiwatig na nasa 27.8 milyong Pilipino lamang ang kasalukuyang naka-enrol sa programang Konsulta (Konsultasyong Sulit at Tama).
“Marami pa rin ang hindi alam na automatic na silang miyembro. Dapat may malinaw na pruweba na nagpapatunay na bahagi sila ng PhilHealth,” dagdag niya.
Upang matugunan ito, isinusulong ni Go ang pagpasa sa kanyang inihain na Senate Bill No. 2983, o ang panukalang Philippine Health Card Act of 2025.
Ang panukala ay naglalayong mag-isyu ng simple, abot-kaya, at matibay na ID—digital man o pisikal—para sa lahat ng miyembro ng PhilHealth.
Kung maisasabatas, ang ID system na ito ay gagana sa ilalim ng National Health Insurance Program at ipamamahagi sa pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs).
“Para sa ordinaryo nating mga kababayan, malaking tulong kung may hawak kang proof na miyembro ka. Kahit lumang ID, digital man o integrated sa national ID—ang mahalaga, may pinanghahawakan ang bawat Pilipino na masasandalan kapag nagkasakit,” paglilinaw niya.
Binigyang-diin din ng senador na may pagpasa man o wala sa panukalang batas, dapat palakasin ng PhilHealth ang kanilang outreach program at tiyaking magiging maayos ang kaalaman ng mga miyembro tungkol sa kanilang coverage at karapatan.
“Ang importante rito ay hindi lang may ID. Dapat alam nila kung anong meron sila. Kaya panawagan ko sa PhilHealth—mas paigtingin pa ang information campaign,” udyok ni Go.
Bilang bahagi ng kanyang patuloy na krusada sa reporma sa kalusugan, muling iginiit ni Go ang pangangailangan para sa mga ahensya ng gobyerno, tulad ng PhilHealth na magpatibay ng mga sistemang nakasentro sa mga tao, lalo sa mahihirap at mahihinang sektor.
“Ang kalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino. Hindi ito dapat pinoproblema. Dapat ito ay inaasikaso ng gobyerno, at responsibilidad nating siguraduhing ramdam ng tao ang serbisyong pangkalusugan,” paliwanag niya. RNT