Home METRO P15M illegal vape products, paraphernalia nasamsam ng BIR

P15M illegal vape products, paraphernalia nasamsam ng BIR

128
0

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P15 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na vape products at paraphernalia ang nasamsam ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang bahay sa Tondo, Maynila, Lunes ng gabi.

Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui na nagsagawa sila ng raid matapos makatanggap ng impormasyon na ang bahay ay ginagamit na bodega ng mga nasabing ilegal na gamit.

Nadiskubre ang nasabing mga vape products na walang mandatory BIR-issued excise stamps na isang paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na ibinebenta online ang mga nasabing item sa mas murang presyo.

“Hindi dumaan sa DTI, hindi dumaan sa inspeksyon. baka lason na yang nilalanghap nila,” giit ni Lumagui.

Hinimok naman ng BIR ang publiko na iulat ang ilegal na pagbebenta ng vape online.

“Unang una, makikita agad natin, pagka ang mga vape products ay walang selyo. Yung mga tax stamps, sa ngayon yung makikita natin yung tamarraw, yun yung patunay na bayad yan ng excise tax yan sa BIR. Pag walang stamp yan, ilegal agad yan,” ani Lumagui.

Ang mga nakumpiskang disposable vape products at pods ay itatapon sa BIR warehouse, habang ang mga ilegal na paraphernalia ay kukumpiskahin ng mga opisyal ng DTI.

Sinabi ni Lumagui na iniimbestigahan pa nila ang profile ng may-ari ng mga bagay na ito at kakasuhan ng unlawful pursuit of business at illegal possession of excisable products. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here