MANILA, Philippines- Naghain ng “not guilty” plea ang driver sa car crash incident sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay Regional Trial Court nitong Martes, ayon sa ulat.
Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide, multiple physical injuries, at damage to property.
Noong May 4, bumangga ang SUV na minamaneho ng isang 47-anyos na lalaki mula sa Batangas sa Departure West Curbside Area ng NAIA Terminal 1, base sa Philippine National Police-Aviation Security Group (AVSEGROUP).
Patay ang dalawang indibidwal, kabilang ang isang apat na taong gulang na babae sa insidente, habang sugatan ang iba pa. Inaresto ng mga tauhan ng NAIA Police Station 1 ang driver.
Noong May 16, inihayag ng AVSEGROUP na pinalaya ang driver mula sa NAIA Police Station 1 matapos makapagpiyansa ng P100,000. RNT/SA