MANILA, Philippines – Fully booked na ang biyahe ng mga bus patungong Bicol Region na magmumula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) hanggang sa Disyembre 24.
Dahil dito ay mahaba na ang pila ng mga pasaherong nagbabakasakali na makasakay o ang pagiging chance passenger.
Bukod sa PITX, nakararanas din ng delay ang pag-alis ng mga pasahero sa mga bus terminal sa EDSA na patungong Bicol dahil sa matinding trapiko na nararanasan sa bahagi ng Camarines Sur.
“Lahat ng buses na dumarating dito sa Maynila, puro delayed. Ang epekto niyan sa mga chance passengers at regular passengers namin, naghihintay po sila,” pahayag ni Dawfer Lopez, bus company operations offcer, sa panayam ng GMA News.
Samantala, ininspeksyon naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang kalagayan ng mga pasahero sa Manila North Port.
Iniulat ng pamunuan ng PITX ang surge sa arawang bilang ng mga pasahero na umaabot sa average na 170,000 kasabay ng Christmas rush.
Para matugunan ang demand ngayong holiday season, nag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 956 special permits para sa public utility vehicles.
Dagdag pa, inanunsyo rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maaaring dumaan sa EDSA ang mga provincial bus mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga simula nitong Biyernes.
Mula Disyembre 26, 2024 hanggang Enero 2, 2025 naman ay maaaring dumaan ang mga provincial bus sa EDSA sa loob ng 24 oras. RNT/JGC