MANILA, Philippines – Tinambangan ang sasakyan ni Sulu Provincial Election Supervisor Julie Vidzfar sa Zamboanga City nitong Sabado ng umaga, Disyembre 21, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia.
Ang pag-atake ay naganap bago mag-alas-10 ng umaga.
Hindi naman nasaktan ang supervisor na si Vidzfar ngunit nagtamo ng pinsala sa katawan ang kapatid nito na agad dinala sa ospital para gamutin.
Sa kabila nito, nasawi rin ang kapatid nito dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.
Ang ambush ay nangyari sa bahagi ng Santa Maria sa Zamboanga City habang pauwi na sana ng bahay ang magkapatid galing sa airport.
Agad na tumakas ang hindi natukoy na gunmen matapos ang pamamaril.
Narekober sa crime scene ang walong empty .45 shells.
“No words are enough to condemn this treacherous act of violence against our people,” saad sa pahayag ni Garcia.
“What is more gruesome and unforgivable is when a loved one is caught in the crossfire so to speak. We are not yet prepared to cry hopelessness but a call for immediate action from authorities is strongly demanded.”
Nanawagan din si Garcia sa Philippine National Police na masusing imbestigahan ang pag-atake. RNT/JGC