Home METRO Mga biyahero balik-NCR na; daloy ng trapiko bumibigat na

Mga biyahero balik-NCR na; daloy ng trapiko bumibigat na

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Naobserbahan ang mas mabigat na daloy ng trapiko ngayong Lunes ng umaga sa pagbabalik ng mga biyahero mula sa mga probinsya sa Metro Manila matapos ang long holiday weekend noong Holy Week.

Kabilang sa mga apektadong kalsada ang EDSA-Roxas Boulevard flyover patungong Manila, C5 Eastwood patungong Taguig, at EDSA-Kamuning patungong Makati at Pasay.

Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), may kabuuang 26,725 pasahero ang nakarating na hanggang kaninang alas-7 ng umaga, ayon sa ulat.

Bumibigat na rin ang trapiko patungong terminal ngayong Lunes ng umaga, base sa pa sa ulat.

May nakatalagang police assistance desks habang patuloy ang pagsasagawa ng K9 units ng inspeksyon upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa PITX matapos ang Semana Santa.

Mula March 22 hanggang 31, may kabuuang 1.2 milyong pasahero ang naitala sa PITX, batay sa pamunuan.

Nitong Linggo, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na naghahanda ang Land Transportation Office (LTO) para sa pagbabalik ng milyon-milyong Pilipino sa Metro Manila at sa iba pang urban areas matapos ang long Lenten break. 

Inatasan ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista ang ahensya na tiyakin ang ligtas na pagbabalik ng mga biyahero.

Ipinag-utos naman ni LTO chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II sa lahat ng regional directors at iba pang agency officials na manatiling alerto para sa road safety.

“We are expecting the start of the land travel of some of our kababayan on Sunday, March 31, so my instruction is to implement the same road safety measures before the Holy Week exodus,” ani Mendoza.

Kabilang dito ang inspeksyon ng mga bus at information drives para sa kaligtasan sa daan.

“Hinihikayat natin ang ating mga kababayan na manatiling maingat sa pagbibiyahe lalo na kung kasama ang ating mga pamilya,” giit ni Mendoza.

“Huwag magmamaneho ng nakainom at tiyakin na may sapat na pahinga bago magmaneho. At higit sa lahat, magbaon tayo ng mahabang pasensya para maiwasan natin ang road rage dahil wala naman mabuting idinudulot ang galit sa kalsada,” dagdag niya. RNT/SA

Previous articleM-5.0 quake tumama sa Surigao del Sur
Next articleDOH sa publiko: Iwasang magbiro ng may kinalaman sa sakit ngayong April Fool’s Day