MANILA, Philippines – Kukunin ng Department of Justice ang forensic pathologist na si Raquel Fortun para suriin ang mga narekober na pinaniniwalaang buto ng tao sa paligid ng Taal Lake.
Kaugnay ito sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ng mga nawawalang sabungero na ibinunyag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na pinatay at itinapon sa Taal Lake sa Batangas.
Sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano, sisimulan na ang DNA testing sa mga narekober upang alamin kung ito ay sa tao. Kukunan ng DNA samples ang mga kamag anak ng mga nawawala para ima-match sa mga DNA na makikita sa nahanap.
Sinabi naman ni Fortun na kailangan ipa x-ray ang mga narekober na buto para masigurado.
“Isipin mo agad na hindi ‘yan adult na siniksk sa sako kasi hindi kaya. So ano ‘yan disarticulated, dismembered remains, skeletal remains ba or parts na siniksik mo sa sako?” saad ni Fortun.
Ayon kay Fortun mas mainam na masuri ang nakita sa burak kaysa sa sinunog dahil mahuhugasan aniya ang buto kumpara sa sinunog dahil lalabo ang DNA testing.
Pinayuhan din ni Fortun ang awtoridad na maging maingat sa pagbubukas ng sako na naglalaman ng pinaniniwalang mga buto ng tao.
Samantala, sinabi ni Clavano na may minarkahan ang Philippine Coast Guard na dalawa pang site na may nakapkapan na mga sako.
Mula aniya ng lumantad si Patidongan ay may mga residente sa Taal Lake ang nagbibigay umano ng mga dagdag na impormasyon. TERESA TAVARES