Home HOME BANNER STORY Mga crew ng BRP Teresa Magbanua tatlong linggong nagtiis ng gutom

Mga crew ng BRP Teresa Magbanua tatlong linggong nagtiis ng gutom

MANILA, Philippines – Ilang linggong nagtiis ng gutom at uhaw ang mga crew ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) matapos na harangin ng China ang resupply missions ng Pilipinas.

Sa ulat ng GMA News, mahigit 60 crew members ng barko na nakapwesto sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea ang kumakain lamang ng lugaw sa loob ng tatlong linggo.

“Rice porridge na lang po…Paminta and asin, sir, kasi ‘yun na lang naiwan sa amin,” ayon kay Ensign Janey Anne Paloma sa panayam ng GMA News.

“Meron po kaming mga tropa na nahihilo kasi gutom, kumakalam yung tiyan sa gabi,” dagdag pa niya.

Bagama’t kayang mag-filter ng tubig-dagat sa pamamagitan ng freshwater generator, kumukolekta rin ang mga crew ng tubig-ulan o Kahit na ang condensed water galing sa air conditioning unit ng barko.

“Naka-discover yung chief engineer namin na pwede naming inumin yung tubig from our air conditioning unit, yung na-condense na tubig po doon,” ani Paloma.

Kulang na kulang para sa lahat ng mga sakay ng BRP Teresa Magbanua ang ilang suplay na na-airdrop ng bansa noong Agosto 28.

Ito lamang ang panahon na nabigyan ng suplay ang barko matapos atasang magbantay sa lugar mula pa noong Abril.

Dahil sa limitadong suplay sa limang buwang deployment, apat na crew members na ang nagkasakit at nagkaroon ng gastroenteritis, dehydration at gout.

“Kapag tumagal pa kami, siguro doon mas marami na ang magkakasakit dahil na-expose na kami sa tubig na hindi healthy,” sinabi naman ng kapitan ng Magbanua na si Lieutenant Commander Efren Duran, Jr.

“May sumusuka na, may bowel movements na iba na talaga.”

Bukod sa gutom, naging banta rin ang kaligtasan ng mga sakay ng BRP Teresa Magbanua matapos itong banggain ng barko ng China Coast Guard noong Agosto 31.

Nitong Linggo, napaulat na umalis na sa Escoda Shoal ang BRP Teresa Magbanua.

“Humihingi kami ng tawad, sir. Kailangang makabalik yung barko para sa tauhan,” ani Duran.

Nauunawaan naman ng Philippine Coast Guard ang kondisyon ng mga crew ng barko.

“The decision for you to reposition yourself is to ensure that we are able to sustain our ability to secure this part of the country in the long haul,” pahayag ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.

“You have accomplished your mission.” RNT/JGC