Home NATIONWIDE Mga dadalong miyembro ng gabinete sa Senate inquiry sa pag-aresto kay FPRRD,...

Mga dadalong miyembro ng gabinete sa Senate inquiry sa pag-aresto kay FPRRD, tinukoy

MANILA, Philippines – INISA-isa ng Malakanyang ang mga miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng gobyerno na dadalo sa pagdinig ng Senate foreign relations committee ni Sen. Imee Marcos tungkol sa legalidad ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang nasa listahan aniya ng Office of the Executive Secretary (OES) na maaaring dumalo sa nasabing pagdinig ay sina “Secretary Jesus Crispin Remulla ng DOJ; Prosecutor General Richard Anthony Fadullon; at Chief State Counsel Dennis Arvin Chan.

Nakalagay din aniya sa listahan si Department of Foreign Affairs Secretary Enrique A. Manalo; Philippines Center on Transnational Crime Executive Director Alcantara; PNP General Rommel Francisco Marbil; at General Nicolas Torre; mula DMW, si Secretary Hans Cacdac; kasama rin aniya i Special Envoy Markus Lacanilao; at mula sa SEC, Atty. RJ Bernal; at Atty. Ferdinand Santiago.

Ang pagbabago ng ihip ng hangin mula sa Malakanyang ay dahil na rin sa paggalang ng Malakanyang kay President Francis “Chiz” Escudero.

“Binigyan din po natin ng pagrespeto ang kaniyang hiling kaya provided of course ito ay hindi naman din tatalakay sa executive privilege na mga issues,” ang katuwiran ni Castro.

Samantala, maaari namang ipakiusap ng mga dadalong opisyal ang executive privilege sa ‘question and answer’ sa nabanggit na pagdinig.

Nauna rito, sinabi ni Escudero na dadalo na ang mga miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng gobyerno sa pagdinig ng komite ni Imee Marcos tungkol sa legalidad ng pag-aresto kay dating pangulong Duterte.

Sinabi ni Escudero na nagpasya siyang pa­ngunahan ang komunikasyon sa pagitan ng executive department at ng Senado upang maiwasan ang alitan sa pagitan ng dalawang magkapantay na sangay ng gobyerno.

“Minabuti kong maging tulay sa pagitan ng executive department at ng Senado at sa April 10 imo-move ‘yong hearing kung saan dadalo ang mga opisyal na inimbitahan ni Senator Imee.

Gayunman, sinabi ni Escudero na hiniling ng komite ang pagdalo ng ilang tao, kabilang si PNP-CIDG chief Nicolas Torre na dapat dumalo sa pagdinig bilang pinunong opisyal sa pag-aresto kay Duterte noong Marso 11.

Noong Abril 3, ginamit ng mga miyembero ng Gabinete ang executive privilege para hindi makadalo sa imbitasyon ng Senate foreign relations committee. Kris Jose