Home NATIONWIDE Mga estudyante, hinimok ni Tolentino na pangalagaan ang karunungan, integridad, kagandahang asal

Mga estudyante, hinimok ni Tolentino na pangalagaan ang karunungan, integridad, kagandahang asal

Nakiisa si Sen. Francis Tolentino sa Gawad Karangalan ng Lungsod ng Dasmariñas, kung saan kinilala niya ang mga mag-aaral na nagpakita ng husay sa akademya.

MANILA, Philippines- Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang daan-daang mga estudyante ng Dasmariñas City, Cavite na kinilala ng lokal na pamahalaan dahil sa kanilang academic achievements nitong Linggo.

Sa kanyang talumpati sa taunang Gawad Karangalan ng lungsod, ipinaalala rin ni Tolentino sa mga mag-aaral na ang natanggap nilang pagkilala ay may kaakibat na responsibilidad para patuloy na maging huwaran sa kanilang mga kapwa kabataan.

“Nawa’y maging tagapangalaga kayo ng karunungan, integridad, at kagandahang asal na natutunan n’yo sa inyong paaralan, mga magulang, at komunidad,” ani Tolentino.

“Tungkulin n’yo rin na ipagpatuloy ang pagpapahalaga sa edukasyon, para kayo’y tularan ng mga susunod pang batch ng mga estudyante. Sa ganitong paraan ay nakapaghahatid kayo ng dangal sa inyong lungsod na sumuporta sa inyong edukasyon,” diin nya.

Nakasama ni Tolentino sa paggawad ng parangal ang lokal na pamunuan ng Dasmariñas sa pangunguna ni Alkalde Jenny Austria-Barzaga, gayundin ang mga opisyal ng probinsya. Dumalo rin ang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Edgardo ‘Sonny’ Angara.

Ang Gawad Karangalan ay isang programa na kumikilala sa student achievers ng Dasmariñas mula elementarya hanggang kolehiyo. Sinimulan ito mahigit isang dekada na ang nakalilipas ng namayapang kinatawan ng lungsod na si Representative Elpidio ‘Pidi’ Barzaga. RNT