MANILA, Philippines- Pinababawasan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mandatory contributions ng miyembro dulot ng dambulahang pondo na hindi nagagamit na lumobo nang lumobo sa paglipas ng panahon.
Gamit ang datos mula sa Department of Finance, sinabi ni Escudero na umabot na sa mahigit P500 bilyon ang reserve fund ng PhilHealth bukod pa sa substantial government subsidy ng gobyerno kada taon.
Ayon kay Escudero, may sapat na yaman ang ahensya upang bawasan ang premium contribution ng miyembro.
“May mahigit kumulang P500 billion pa silang sobrang pera na pwedeng i-absorb kaugnay sa pagbabayad nga ng buwanang premium. Ang total subsidy ng pamahalaan para sa premium kada taon ay humigit kumulang P70 billion,” ayon kay Escudero.
Naglalaan ng pambansang gobyerno ng taunang subsidiya sa PhilHealth para sa implementasyon ng National Health Insurance Program, pangunahin dito ang pagsakop sa premiums ng indirect contributors na kasama ang indigents at senior citizens.
Noong 2021, umabot sa P71.3 bilyon ang subsidiya sa PhilHealth na lumobo sa P80 bilyon sa 2022, P79 bilyon sa 2023 at sa ngayon, umabot nasa P40.3 bilyon.
“The huge subsidies allocated annually to PhilHealth, coupled with its continually increasing reserve fund, provide the state health insurer ample room to reduce the premium rate of its members,” ayon kay Escudero.
Aniya, kung nagkakaroon ng pangkaraniwang P70 bilyon ang taunang subsidiya sa PhilHealth, na puwede sanang magamit ng gobyerno na ilaan sa ibang pangangailangan na makukuha ng state insurance company sa sariling reserbang pondo nito.
“Pero imbes na gawin ‘yon, isa sa mga istratehiya na pwede nilang pag-aralan ay ang gamitin na lang (ang reserve fund) para pababain yung premium na karamihan naman ay gobyerno rin ang nagbabayad,” ayon kay Escudero.
Iginiit ni Escudero na nalulugi ang PhilHealth ng halagang P20 bilyon kada taon sa halaga ng pondong hindi nagagamit o nakatengga lamang sa National Treasury na aabot sa P500 bilyon bilang reserve fund.
“Kaya para sa akin mas maganda na gamitin ang perang ‘yan para matulungan ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng dagdag na serbisyong medical o sa pagbaba sa binabayaran nilang premium,” paliwanag ni Escudero.
Inaprubahan ng Senado ang isang panukalang naglalayong amendahan ang Republic Act 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act upang maibaba ang halaga ng premium rate para sa direct contributors sa PhilHealth.
“Under Senate Bill No. 2620, PhilHealth’s premium rate will go down to 3.25% from the current 5%, then this will gradually be increased to 3.5% in 2026, 3.75% in 2027, and 4% in 2028,” pahayag ni Escudero.
Nakabinbin ngayon sa Kamara ang katulad na panukala na naglalayong amyendahan ang UHC Act.
Isinusulong din ni Escudero na magkaroon ng pagbabago sa case rates base sa halaga ng kontribusyon na ibinabayad ng miyembro.
“Just like other insurance products, members who pay bigger premiums should be entitled to higher case rates, if and when they require medical attention,” giit ni Escudero.
“This “adjustment mechanism” for premiums and benefits was also mentioned by President Ferdinand Marcos Jr. himself during the recently-held Legislative-Executive Development Advisory Council meeting in Malacañang,” dagdag niya. Ernie Reyes