
SINASABI ng ating ambassador sa United States na si Jose Manuel Romualdez na simulan nang ideliber ang mga eroplanong pangmilitar na F-16 simula sa susunod na taon.
Anak ng tokwa, kaaalok lang ang mga ito ng mga Kano, tinanggap agad ng ating gobyerno?
At hindi man lang tumawad o nag-usisa ang ating pamahalaan?
Itong mga F-16 ay itinatapon nang parang basura ng mga taga-Europa at ibinibigay sa Ukraine sa laban nito sa Russia.
Pagkatapos, basta na lang tanggapin natin ang mga ito at pagkamahal-mahal pa?
Ayon sa Bulgarian Military.com, sa 20 F-16 na fighter-bomber na ibebenta sa atin ng mga Kano sa halagang $5.58 bilyon, nagkakahalaga na bawat isa ng $279 milyon.
Ayon sa nasabing ahensya, ang pinakamahusay at pinakamodernong fighter bomber ng US na F-35 ay nagkakahalaga lang ng $78M.
Kung maglaban ang F-35 at F-16, kinakabitan pa lang ng glab ang F-16, knockout na ito sa F-35 kumbaga sa boksing at gudbay na sa $279M ipinambili rito.
Kapag puro eroplano ang F-16 at walang radar, walang bombang dala, walang baril, walang missile, halos kapresyo nito ang F-35 na punom-puno ng armas at makabagong teknolohiya, kasama ang pagiging stealth nito para hindi agad makita o matunugan ng radar.
Ganyan katindi ang F-16 na yan.
Wala ring kalaban-laban ang F-16 sa Su-35 ng Russia na $85M lang; J-10 ng China na #40-50M lang din; at Saab Gripen ng Sweden na $60-80M lang.
Nagsimulang gawin at paliparin ang F-16 noong 1974 at bihira nang gamitin ng US sa giyera ngayon dahil marami nang makabagong bagong eroplano ito at ibinabasura na ang F-16 sa mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.
Ang masaklap, overpriced pa.
Ang alok ba ng mga Kano na ibenta sa atin ang nasabing mga eroplano ay utos na hindi natin pupwedeng tanggihan?
Paano naman ang taumbayan na sinisingilan ng marami at matataas na buwis para lang ipambili ng ganyang klaseng armas pandigma?