MANILA, Philippines – Nagbitbit ng iba’t ibang placard ang mga grupo sa isang rally na nananawagan ng pagbawas sa singil sa kuryente at pagbabago sa power sector.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang “Buwis sa kuryente, tanggalin! EPIRA ibasura!,” “Tanggalin ang VAT sa system loss!,” “ERC, probe Meralco overcharging,” “Ibaba ang singil sa kuryente,” at “Meralco ganid sa tubo,” at iba pa.
Ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) o Electric Power Industry Reform Act of 2001 ay batas na nag-reorganisa sa power sector ng bansa sa pamamagitan ng pagbubukas nito sa pribadong kumpanya, na layuning mapabuti ang suplay ng kuryente, isulong ang kompetisyon, at tiyakin ang maaasahan at abot-kayang serbisyo.
Gayunman, may mga grupo na nananawagan ng pagbabasura nito dahil sa paniniwalang hindi nito napababa ang presyo ng kuryente.
Samantala, sinabi ng Meralco na suportado nito ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang serbisyo at mapababa ang singil sa kuryente, at binigyang-diin na nagpatupad sila ng bahagyang pagbaba ng singil ngayong Mayo sa kabila ng mataas na demand dahil sa tag-init at epekto ng krisis sa Middle East.
“Nais din namin ipabatid na sumasailalim ang singil ng Meralco sa mabusising pagsusuri at pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) para masigurong patas at makatarungan ang mga ito bago ipatupad,” ayon sa Meralco.
Dagdag pa nito, ang kanilang Power Supply Agreements (PSAs) ay dumadaan sa bidding o competitive selection process upang matiyak na ang pinakamurang alok ng generation company ang kanilang kukunin.
“Tinitiyak ng naturang proseso na nangongontrata lamang ang Meralco sa may pinakamurang offer na generation company para matugunan ang pangangailangan sa suplay ng kuryente,” ayon pa sa kumpanya.
“Nananatiling tapat ang Meralco sa mandato nito at makakaasa ang aming mga customer na ginagawa namin ang lahat para patuloy na makapaghatid ng maaasahan at maayos na serbisyo ng kuryente,” dagdag nito. RNT/MND