MANILA, Philippines – Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes na nagpapatuloy ang konstruksyon, pagpapahusay, at pag-aayos ng mga istruktura sa mga teritoryong kontrolado ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, layunin ng mga proyekto na matiyak na kayang suportahan ng mga isla ang mga naka-deploy na sundalo at ang komunidad sa Pag-asa Island.
“We have been doing improvements, enhancements, development, repair, and fortification to ensure that these islands will be able to support any deployed troops and the local community, Kalayaan community on Pag-asa Island,” aniya.
Dagdag niya, nagsimula na rin ang pag-aayos ng mga pasilidad sa Pag-asa Island at palalawigin pa ito sa iba pang bahagi ng WPS.
“We have initiated the repair of structures and facilities on Pag-asa Island recently. This will also involve the other features of the West Philippine Sea,” ayon pa kay Trinidad.
Sinabi rin niya na may pondo para sa mga proyekto at tuloy-tuloy ang mga pagpapaunlad.
Binigyang-diin ng AFP na ang Pilipinas ay may “absolute sovereignty and complete jurisdiction” sa mga bahaging ito ng WPS.
“Any repair, construction, enhancement, or development that we do on these features are all within our legal rights. We do not need to seek the permission of any country, more so one that has illegally intruded into and continues to be in our maritime zones,” aniya.
Dagdag pa niya, ang mga proyekto ay para sa kapakanan ng mga nakatira sa mga isla at ng mga sundalong naka-deploy doon.
Patuloy naman ang tensyon sa rehiyon dahil sa pag-angkin ng China sa malaking bahagi ng South China Sea, na tinututulan ng Pilipinas at ilang ibang bansa sa rehiyon.
Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at sinabing walang legal na basehan ang pag-angkin ng China, ngunit hindi ito kinikilala ng Beijing. RNT/MND