MANILA, Philippines- Hindi makakukuha ng overtime pay ang mga guro na nagsilbi noong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes.
Inihayag ni Comelec chair George Garcia na ang mga empleyado lamang ng komisyon ang may karapatang makatanggap ng kompensasyon para sa overtime na trabaho.
“In as much as we would like to give, there is this joint circular which provides that only employees of an agency are entitled to claim overtime,” sabi ni Garcia.
Nakasaad sa Civil Service Commission at Department of Budget and Management Joint Circular No. 2, series 2015 na ang overtime pay ay ibinibigay lamang sa mga itinalagang empleyado, mga salaried civilian government employees o mga awtorisadong bigyan ng overtime pay.
“The teachers who served as electoral board members are not employees of Comelec. Moreover, the budget provided us did not provide for such an item,” dagdag pa ni Garcia.
Nauna nang nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng overtime compensation sa mga gurong naapektuhan ng pagkaantala sa mga proseso.
Sa isang press conference noong Miyerkules, sinabi ni ACT Chairperson Vladimer Quetua, “nagpuyat ang mga guro nang higit sa 24 na oras” sa bisperas ng BSKE dahil sa pagkaantala sa pagbibigay ng transportasyon, extensive paper works, at mahabang pila.
Ayon sa ACT, mayroong hindi bababa sa 10 iba’t ibang mga lugar o paaralan kung saan ang mga manggagawa sa botohan ng guro ay nakaranas ng pagkaantala.
Samantala, una nang tiniyak ng Department of Education sa mga guro na ang mga gumanap bilang Board of Election Inspectors (BEIs) para sa botohan ay bibigyan ng tulong-medikal at insurance kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden