Home NATIONWIDE Mga impormasyong ibinabato sa Tsina, galing sa PCG official – Pinoy spy

Mga impormasyong ibinabato sa Tsina, galing sa PCG official – Pinoy spy

136
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang isang Pilipinong iniuugnay sa umano’y Chinese spy network na posibleng may iba pang indibidwal sa pribado at pampublikong sektor na na-recruit upang magbigay ng sensitibong impormasyon sa dayuhang gobyerno.

Sa isang panayam sa loob ng secure military facility sa Metro Manila, kinilala ang suspek sa alyas na “Danny,” isa sa tatlong Pilipinong kasalukuyang nasa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos matukoy sa ilalim ng Insider Threat Program.

Ayon sa kanya, nagsimula ang kanyang pagkakasangkot bilang isang negosyante na inalok ng part-time online work ng mga nagpakilalang US-based journalists sa pamamagitan ng messaging application.

“Nagsimula nakontak nila ako by internet kasi nagpost ako sa job as part-time..Nagkontak sila sa akin nauna sila by WhatsApp dun kami nagsimula mag-usap…May pinapagawa silang ganito..Nagtatanong tanong ano mga kagamitan ng PCG at Navy which is ano naman sa internet available so hindi naman mahirap sa akin at kumikita rin ako,” he said.

Lumalim ang kanyang ugnayan sa mga dayuhang contact matapos niyang magpanggap bilang miyembro ng Philippine Coast Guard, na nagbukas ng pagkakataon upang hingan siya ng mas sensitibong impormasyon ng isang handler na tinawag niyang “Peter.”

“Interesado sila sa RORE (rotation and resupply) visit ng ibang bansa sa Palawan lalo na yung ASEAN…Hindi ko alam talaga yun pero dahil malaki nga ang pera talaga nagsimula na akong magkalkal ng mas malalim na impormasyon,” ani Danny.

Upang makakuha ng kritikal na datos hinggil sa RORE missions sa West Philippine Sea, nilapitan niya ang isang kaibigang opisyal ng PCG at lihim na in-access ang account nito gamit ang dual messenger feature ng Android phone.

Sa pamamagitan nito, naipadala niya ang mga iskedyul at impormasyon sa kanyang handler gamit ang isang teleponong may encrypted communication app na mistulang ordinaryong laro.

Iginiit ni Danny na walang kaalaman ang naturang opisyal sa kanyang ginawa.

“Dahil sa tiwala niya sa akin Sir nakuha ko yung account niya then sa cellphone may dual messenger nilog-in ko account niya dun. Bale ang Android kasi may dual messenger so pwede ka mag-log in ng dalawang account…Nakuha ko cellphone niya para lumabas ang authentication hindi niya makita…Dine-delete ko ang notification para hindi niya makita…Hindi niya napansin,” paliwanag pa niya.

Ibinunyag din niya na nakipagpulong ang kanyang handler sa iba pang opisyal ng gobyerno nang bumisita ito sa bansa noong Disyembre 2024.

“Nung bago kami mag meet ni Peter sinabi niya na it’s okay na makipagmeet ako dahil hindi lang ako mga high rank sa gobyerno na imeet niya…para mag-usap…So may iba siyang ka-meeting,” aniya pa.

Sa kabila nito, tumanggi ang AFP na magbigay ng detalye hinggil sa patuloy na operasyon upang tukuyin ang iba pang posibleng sangkot, ngunit kinumpirmang may mga hakbang na isinasagawa upang mabuwag ang mas malawak na spy network. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here