Buong siglang nagsama-sama ang mga kababaihan ng Las Piñas upang ipagdiwang ang taunang Women’s Month noong Sabado (Marso 20, 2026) sa Villar Coliseum, sa pangunguna ng Villar Foundation.
Mahigit 3,000 kalahok mula sa 20 barangay ang nagpakita ng kanilang lakas at pagkakaisa sa pamamagitan ng isang masiglang Zumba competition, na nagbigay-buhay sa okasyon bilang isang makulay na selebrasyon ng kalusugan, saya, at bayanihan.

Higit pa sa sayawan, binigyang-diin ng programa ang mahalagang papel ng kababaihan sa paghubog ng pamilya, pagpapatatag ng komunidad, at pagsusulong ng makabuluhang pagbabago sa lipunan.
Dumalo sa okasyon sina dating Senadora Cynthia Villar, kasama sina Senador Mark Villar at Senadora Camille Villar, pati na rin ang ilang lokal na opisyal, bilang pagpapakita ng kanilang buong suporta at pagkilala sa mga kababaihang patuloy na nagsusumikap at nagtatagumpay sa kabila ng mga hamon ng buhay.








