MANILA, Philippines- Libo-libong mga magsasaka at mangingisda sa Mindanao ang nakinabang mula sa financial aid na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging pagbisita nito noong nakaraang linggo sa Zamboanga Peninsula at Sultan Kudarat.
Dalawang araw na namalagi ang Pangulo sa Mindanao, mula Mayo 9 hanggang 10, kung saan namahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Unang binisita ng Chief Executive ang Zamboanga Peninsula at sumunod ang Sultan Kudarat province.
Nagbigay ito ng P60 milyong financial aid at iba’t ibang government services sa mga magsasaka at mangingisda sa Zamboanga Peninsula.
Iniabot din ng Pangulo ang mahigit sa P80.9 milyon sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City para sa hospital equipment.
Sa P60 million, P10 million ang inilaan sa city government ng Zamboanga, P14.6 million sa lalawigan ng Zamboanga del Norte, P14.35 million sa Zamboanga del Sur, at P20.3 million sa Zamboanga Sibugay.
Sa sumunod na araw, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng P10,000 cash assistance bawat isa sa 30 benepisaryo mula sa Region 12 sa Sultan Kudarat. Nagbigay din siya ng P10 million sa General Santos city government, P50 million sa South Cotabato, at P50 million sa Sarangani.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang Sultan Kudarat ay pruweba na ang mga tao na may iba’t ibang relihiyon o pamilya ay maaaring mabuhay nang mapayapa.
Idinagdag pa nito na ang resulta nito ay hindi lamang mapayapang lipunan kundi masaganang ekonomiya.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng Pangulo sa mga residente ng Mindanao at local government units (LGUs) na ang kanyang administrasyon ay sasaliksikin ang lahat ng posibleng opsyon para mabawasan ang paghihirap dulot ng El Niño.
Sisiguraduhin pa ng Pangulo na ang mga kakailanganing suporta ay available sa mga apektado ng labis na tag-uyot.
Samantala, dumalo naman sa dalawang events sina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Laurel Jr., Presidential Assistant for Eastern Mindanao Leo Tereso Magno, Special Assistant to the President Ernesto Antonio Lagdameo Jr., Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Suharto Mangundadatu. Kris Jose