MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, kasama ang ilan pang Cabinet officials, ang pamimigay ng tulong pinansyal sa mga mangingisda at magsasaka at pamilya nito na sinalanta ng bagyong Kristine sa lalawigan ng Batangas.
Sinamahan ni Secretary Gatchalian ang Pangulo sa pamamahagi ng cash assistance sa mahigit 4,000 beneficiaries sa ginanap na aid distributions sa munisipalidad ng Talisay at Laurel sa Batangas nitong Lunes (November 4).
“Nais ko pong ipaabot ang aming taos-pusong pakikiramay sa bawat Pilipino na naapektuhan ng bagyong ‘Kristine’. Itinalaga natin ang araw na ito bilang National Day of Mourning sa ilalaim ng Proclamation No. 728. Batid namin na hindi madaling maibsan ang sakit na inyong pinagdadaanan ngunit umaasa kami na sa suportang handog ngayon, kayo ay makapagsimula muli,” ani President Marcos.
Kaugnay nito ang mga benepisyaryo mula sa munisipalidad ng Laurel, Talisay, at Agoncillo ay nakatanggap ng tig -Php10,000 mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng ahensya.
“Makaaasa kayo na ang pamahalaan ay patuloy na kabalikat ninyo sa pag-ahon mula sa hamong ito. Ang Tanggapan ng Pangulo, sa pamamagitan ng DSWD, ay magbabahagi ng Php60 million na tulong sa anim na munisipalidad ng Batangas, kasama ang bayan ng Laurel,” sabi ng Pangulo sa kanyang mensahe sa mga residente sa bayan ng Laurel.
Samantala labilang din sa mga ibinigay na tulong ang tseke na nagkakahalaga ng Php10 million mula sa Office of the President (OP). Ibinigay ito ng Pangulo sa mga local government units (LGUs) ng Talisay, Agoncillo, Lemery, Cuenca, Balete at Laurel.
Binigyang diin ng Pangulo ang kanyang direktiba sa lahat ng government agencies na palakasin ang disaster management upang maiwasan ang bilang ng mga nasasawi dulot ng kalamidad.
Batay sa November 4 report mula sa Disaster Response Operations Management, Information, and Communication (DROMIC) ng DSWD, may kabuuang bilang na 241,516 families o 1,024,780 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong ‘Kristine’. (Santi Celario)