MANILA, Philippines- Handa ang gobyerno na magbigay ng credit at insurance assistance sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng dry spell sa gitna ng El Niño phenomenon.
“Ang gobyerno natin ay naglaan na ng P500 million na credit assistance, this is P25,000 per affected farmer and fisher and then yung ating insurance claims about P1.8 billion maximum of P20,000 [each] ang puwedeng ipamahagi,” ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at DA spokesperson Arnel de Mesa.
Maliban dito, winika ni de Mesa na minamadali rin ng DA ang pamamahagi ng P5,000 financial assistance sa mga magsasaka at P3,000 fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng national budget.
“On the technical side, of course, ‘yung pagpupursige natin sa alternate wetting and drying technology na ma-adopt nung mga still nagtatanim ng palay,” pahayag pa niya.
Ayon sa pinakabagong data ng DA, “as of February 25,” ang pinsala sa agrikultura ay umabot sa P357.4 milyon.
Ang mga napinsalang pananim naman ay nakita sa mga sakahan sa Ilocos, MIMAROPA, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula Regions.
May kabuuang 7,668 magsasaka ang apektado ng El Niño. Naapektuhan naman ng dry spell ang 6,523 ektarya ng lupang sakahan, tinatayang 11,480 metriko tonelada para sa palay, 2,897 MT para sa mas at 225 MT para sa high-value crops.
Samantala, makikita naman sa datos ng DA na ang apektadong palayan ay 5,011 ektarya habang ang production loss na 11,480 MT ay 0.12% ng target dry cropping season output para ngayong taon ng 2024.
Ukol naman sa mais, ang mga lugar na apektado ng dry spell ay 1,263 ektarya o 0.11% ng kabuuang target na lugar na tinaniman habang ang production loss ng 2,897 MT ay 0.06% ng target production para sa 2024 dry cropping season. Kris Jose