Home NATIONWIDE Mga magsasampa pa ng kaso vs Quiboloy lumantad na kayo – DOJ

Mga magsasampa pa ng kaso vs Quiboloy lumantad na kayo – DOJ

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Department of Justice (DOJ) ang iba pang mga testigo at biktima ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na lumantad na at magsampa ng reklamo.

Ito ay kasunod ng mga bagong isinampang reklamo ng walong inbibidual laban kay Quiboloy.

Sinabi ni Justice Undersecretary Nicolas Felix Ty na agad susuriin ng DOJ ang mga bagong reklamo at testigo upang mapigilan ang posibilidad na masabotahe ng mga taga-suporta ni Quiboloy ang ang mga kasong isasampa ng pamahalaan laban sa naturang religious lider.

Tiniyak ni Ty na bukas ang kagawaran sa karagdagang reklamo na isasampa ng iba pang biktima.

May mga lumantad na aniya mula Davao, sailang lugar sa Mindanao at maging sa head office ng DOJ para makipagtulungan sa kaso laban kay Quiboloy.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DOJ sa Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga nagkanlong kay Quiboloy.

“Nationwide naman ang sakop ng mga state prosecutor pagdating sa preliminary investigation. So, para sa amin, kung gusto nilang ituloy ang kaso na ‘yan laban sa mga nagkanlong kay Pastor Quiboloy, maari nilang ihain ‘yan dito sa head office,” ani Ty.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong child abuse at trafficking dito sa Pilipinas at may nakabinbin na kasong sex trafficking sa Estados Unidos. TERESA TAVARES