Home METRO 7 bayan sa Isabela inatake ng ASF

7 bayan sa Isabela inatake ng ASF

SAN GUILLERMO, Isabela – Umabot na sa pitong bayan na sa lalawigan ng Isabela ang inatake at apektado ng African Swine Fever (ASF) na isang uri ng sakit ng baboy.

Ayon kay Dra. Belina Barboza, ang Provincial Veterinary Officer ng Isabela, ang mga lugar na nakapagtala ng ASF ay kinabibilangan ng mga bayan ng Angadanan, Cordon, Echague, Gamu, San Guillermo, San Manuel at bayan ng Quezon dito sa nasabing probinsya.

Sa datos, pinakamarami ang tinamaan ng ASF sa bayan ng Angadanan na may 253 piraso ng baboy na namatay kabilang na ang mga ibinaon sa lupa na mula sa 13 na Barangay.

Sumunod sa bayan ng San Guillermo na mayroong 94 na tinamaan ng ASF, 29 sa bayan ng Echague, 25 sa Quezon at apat (4) sa bayan ng Cordon.

Sa kabuuan, umabot sa 426 na piraso ng baboy ang naitalang natamaan ng ASF at naisailalim sa culling sa Isabela.

Sa pagsisiyasat naman ng PVET, posibleng kumalat ang sakit ng baboy sa probinsya dahil sa hindi pagsunod ng mga may-ari o nagpapakain ng baboy sa biosecurity measures.

Habang ang iba naman ay dahil sa pagsasagawa ng artificial insemination sa mga inahing baboy at dahil sa kabuhayan na pagtitinda ng karne.

Payo naman ni Dra. Barboza, dapat ay hiwalay ang ginagamit na tsinelas sa babuyan at sa labas ng bahay at huwag bumili ng karne ng baboy sa kung saan-saan.

Panatilihin din anya ang malinis na kulungan ng baboy at kung maaari ay iisang tao lamang ang nagpapakain sa mga alaga para maiwasang makapitan ng ASF.

Samantala, hindi naman makakaapekto sa supply ng baboy dahil kaya pa umanong supplayan ang pangangailangan ng probinsya hanggang sa huling buwan ng taong kasalukuyan. Rey Velasco