Home NATIONWIDE Mga mananakay protektahan vs mapang-abusong drayber – PBBM

Mga mananakay protektahan vs mapang-abusong drayber – PBBM

MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na protektahan ang mga mananakay mula sa mga mapang-abusong’ drivers.

Ito’y matapos na magpalabas ng show cause orders ang Land Transportation Office (LTO) sa mga may-ari ng 1,165 sasakyan na bumagsak sa roadworthiness inspections.

“There is a directive coming from the President that there should be more protection to the commuters, to everyone, from abusive drivers,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Inihayag din ng LTO na may 671 drivers ang suspendido para sa iba’t ibang dahilan.

Sa bilang na 671 drivers, may 574 ang suspendido dahil sa “road crash incidents resulting in slight physical injuries or death” habang 97 ang nagpositibo sa ilegal na droga.

Nauna rito, ipinag-utos naman ni DOTr Secretary Vince Dizon ang paglikha ng special task force na susuri sa ‘road safety policies at procedures’ para mabawasan ang mga aksidente sa lansangan.

Tinuran ni Castro na ang gobyerno, sa tulong ng special task force, ay committed na i-promote ang kaligtasan sa kalsada.

“So, ito po ay napakaganda po dahil ipinapakita po natin sa taumbayan na sila ay dapat na safe sa daan. At hindi po dapat abusuhin ang anumang pribilehiyo na ikaw ay maging driver sa kalye,” aniya pa rin.

Suportado naman ni Castro ang panukalang hakbang na naglalayong pigilan ang detensyon ng motor vehicle drivers na makapagbibigay ng sapat na katibayan ng “defense driving” sa isang traffic incident.

“Siguro kapag ang imbestigador po ay nakita na ang isa ay siyang nabiktima o ‘yung sasakyan ang mismong nadanyusan, hindi po naman dapat na makulong ang mismong nabiktima,” ang sinabi ni Castro.

“Pero may mga pagkakataon po na sa pagi-imbestiga, hindi naman agad nakikita kung sino iyong may sala. So, karapatan din po ng mga otoridad natin na huwag muna palayain o magkaroon ng agarang imbestigasyon. Kasama na rin po sa due process,” aniya pa rin. Kris Jose