MANILA, Philippines – Pinalagan ng mga mangaggawa ang bagong fare increase sa Light Rail Transit Line 1.
Ayon kay Jerome Adonis, Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, lalo lamang magpapahirap s amga mangaggawa na tumatanggap lamang ng mababang arawang sahod ang dagdag pasahe sa LRT-1.
Binabatikos aniya ng mga manggagawa ang 30 percent na pagtaas ng pamasahe sa LRT-1 na tinuturing nilang imoral sa gitna ng malalang krisis sa kabuhayan.
Sinasabi aniya ng LRTA na ang dagdag-pamasahe ay para sa pagpapabuti ng serbisyo, kaligtasan at pambili ng mga bagong bagon, ngunit sa tuwing nagtataas ng pamasahe, hindi ito na-tra-translate sa mas mabuting serbisyo.
Panawagan ni Adonis, mahigpit na tutulan ang dagdag singil sa pasahe sa LRT-Line 1.
Sa post sa FB, aprubado ng Department of Transportation – Philippines at Railway Regulatory Unit (RRU), ang pagpapatupad ng LRMC ng bagong pasahe sa #LRT1 simula Abril 2, 2025 (Miyerkules).
Ang bagong minimum na pasahe sa LRT-1 ay ₱16 at ang maximum naman ay ₱52 para sa Stored Value Card (SVCs).
Para naman sa Single Journey Tickets (SJTs), ito ay nagkakahalaga ng ₱20 hanggang ₱55. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)