Home OPINION MGA MANGINGISDA VS DROGA

MGA MANGINGISDA VS DROGA

MABUTI na lang at ipinagsusurender ng mga mangingisda ang mga nalalambat nilang mga shabu sa karagatan ng Ilocos Sur.

Mula noong Hunyo 24, 2024 sa bayan ng San Juan, sunod-sunod na ang mga naglutangang shabu sa karagatan sa sakop ng iba pang mga bayan ng Sta. Maria, Magsingal at Caoayan.

Aba, malaki-laking bulto na rin ang 80 kilong nakalap ng mga mangingisda at maaaring mayroon pang mga hindi natatagpuan.

Lahat naman nang nakuha ng mga mangingisda ay may layong milya mula sa dalampasigan.

Pero paano kung meron nang napadpad sa iba pang mga lugar?

Isusurender din kaya ng ibang makapupulot?

Kasi naman, nasa 17 hanggang 24 kilo ang mga shabu na isinilid sa mga sako o supot.

Baka naman manghinayang at mag-interes ang iba dahil nasa P6.9 milyon ngayon ang kada kilo ng shabu.

Pero kwidaw naman sila kapag maparatangan o mahuli sila bilang mga high value target o drug lord.

Diretso sila sa kulungan nang walang piyansa o kaya sa mga punerarya.

Ang maganda para hindi pag-interesan ng mga mamamayan ang mga kilo-kilong shabu na kanilang nakakakalap, nagbibigay ang pamahalaan ng mga pabuya.

Halimbawa, nasa P50,000 bawat mangingisda ang ibinibigay ng Ilocos provincial government habang P5,000 naman ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Sa ganitong paraan, baka magsuguran pa hindi lang ang mga mangingisda kundi ang iba pa para maghanap ng shabu hindi lang sa dagat kundi sa mga dalampasigan.

At kung may makalap sila, isusurender nila, sa halip na ibenta ang mga ito.

Bakit nga ba ang dami muling droga kahit saan at ang masama pa, ang dami muli ngayon ang mga adik at tulak?

At dumarami ulit ang mga kriminal na may kaugnayan sa droga!

Noong 2023, may nahuling 5,600 sangkot sa droga at nitong Enero-Hunyo, 2,400 naman habang nasa 17,000 ang nasa rehabilitasyon at 10,000 ang bagong pasok sa rehab.

Ang sabi ni Pangulong Bongbong Marcos noong Setyembre 2022, nasa 4.6 milyong nakatikim ng droga habang nasa 1.6 ang adik.

Nagbago na kaya ito o lumala pa?