Home NATIONWIDE Mga mangingisdang Pinoy ‘di matitinag sa paghuli ng Tsina sa ‘trespassers’ sa...

Mga mangingisdang Pinoy ‘di matitinag sa paghuli ng Tsina sa ‘trespassers’ sa WPS

MANILA, Philippines- Nanindigan ang New Masinloc Fishermen Association nitong Linggo na ipagpapatuloy nilang mangisda sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng regulasyon ng China na ididitene ang mga dayuhang “manghihimasok” sa South China Sea.

Sa isang panayam, kinondena ni Leonardo Cuaresma, presidente ng Zambales-based association, ang banta ng China na huhulihin ang WPS trespassers, at sinabing alam ng mga Pilipinong nangingisda lamang sila sa teritoryo ng Pilipinas.

“Hindi nila dapat gawin ‘yan sapagkat kami po, alam namin ang ating batas. Wala naman tayong nilalabag ayon sa ating fishery law. Bukod diyan ay wala naman kaming anumang binu-bully o hina-harass na mga kalahi nila,” giit ni Cuaresma.

“Alam namin na ‘yan ay teritoryo natin at pag-aari ng Pilipinas. Kung kaya’t wala silang dapat gawin sa bagay na ‘yan,” dagdag niya.

Binibigyang-awtorisasyon ng kontrobersyal na regulasyon ng Beijing, na epektibo sa Hunyo, na iditene ng China Coast Guard ang “trespassers” hanggang 60 araw, batay sa ulat ng Hong Kong-based South China Morning Post.

Saklaw ng claim ng China sa halos kabuuan ng South China Sea ang West Philippine Sea, kasama ang Scarborough Shoal na matatagpuan 124 nautical miles sa kanluaran ng Zambales at saklaw ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa kabila nito, iginiit ng New Masinloc Fishermen Association na ipagpapatuloy nila ang kanilang hanapbuhay at binalaan ang China na “maghanda” sakaling may maarestong mangingisdang Pinoy.

“Hangga’t alam namin na wala tayong nilalabag [na batas], ay patuloy pa rin ang aming pangingisda diyan. Dati naman nang lumalabas na para na pong magnanakaw ang ating mangingisda sa lugar na ‘yan,” ani Cuaresma.

Umapela rin siya sa pamahalaan ng Pilipinas na magtalaga ng karagdagang tauhan upang magpatrolya sa West Philippine Sea araw-araw.

“Kung kinakailangan siguro ay ibuhos natin ang ating buong lakas parang sa ganon ay makita nila na pinapakita natin na hindi nila teritoryo ang lugar na ‘yan,” patuloy niya.

Matatandaang tinuglisa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Sabado ang regulasyon ng China, kung saan inihayag niyang ang aksyong ito “would be completely unacceptable to the Philippines.”

“The position that we take is that that is unacceptable, and we will take whatever measures to always protect our citizens,” sabi ni Marcos. RNT/SA