MANILA, Philippines – Iginiit ng pro-consumer group na Malayang Konsyumer na mas epektibo ang pagpapalakas ng licensed and regulated online gaming platforms kaysa sa panukalang total ban laban sa online sugal.
Ayon kay Mark Jansen Magsano, convenor ng Malayang Konsyumer, mas ligtas ang mga manlalaro sa legal platforms dahil may deposit limits, self-exclusion tools, help hotlines, at proteksyon para sa personal data at player funds.
“Kapag nasa legal and regulated platforms ka, may malinaw na safeguards na hindi kayang ibigay ng illegal sites,” paliwanag niya.
Dagdag ni Magsano, mas mataas ang panganib ng scam at pananamantala sa ilegal na operasyon dahil dito’y walang player protection.
Giit pa niya, kung ipasasara ang regulated platforms, mapipilitang lumipat ang mga manlalaro sa mas delikadong underground sites, na lalo lamang nagpapalakas sa mga sindikato.
Kasabay nito, nanawagan siya sa pamahalaan na mas paigtingin ang aksyon kontra illegal online gambling. Kabilang sa mga dapat kumilos aniya ang Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission, Department of Justice, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police.
Batay sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, tinatayang nasa 250 hanggang 300 illegal offshore gambling firms ang aktibo sa bansa, mas marami pa kaysa sa mga lehitimong kumpanya. Ayon naman sa Department of Finance, hindi bababa sa P100 bilyon kada taon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa mga ilegal na operasyon.
Binalaan din ni Magsano na ang patuloy na paglaganap ng illegal gambling sites ay may mabigat na epekto hindi lamang sa mga manlalaro kundi pati sa ekonomiya at seguridad ng bansa, dahil lumalaki ang lugi ng gobyerno, dumarami ang krimen, at mas maraming Pilipino ang nadadamay sa panganib. RNT