Home NATIONWIDE Mga mastermind sa Anson Que kidnap-slay, tinukoy ng PNP

Mga mastermind sa Anson Que kidnap-slay, tinukoy ng PNP

MANILA, Philippines – Ikinokonsidera na ng Philippine National Police (PNP) sina David Tan Liao, Kelly Tan Lim, at isa pang suspek na hindi pinangalanan, bilang mga umano’y mastermind sa pagpatay sa businessman na si Anson Que at drayber nito.

Sa ambush interview, tinanong si PNP chief Police General Rommel kung natukoy na nila ang mga mastermind sa likod ng krimen.

“Natumbok po natin yung mastermind, si David Tan Liao, yung kasama po niya yung si Kelly na hinahanap po natin with P5 million bounty, meron pa po kaming hinahanap, hindi lang po namin nilalagay,” aniya.

“Ang kasama niya po si Kelly. Ito na po yung nandito. But yun po ang gusto natin, bakit ang motibo nila. Ito na po yung tao,” dagdag pa niya.

Binanggit naman ni Marbil na ang mga suspek ay bahagi ng isang sindikato.

“Ang sinasabi niyo yung web po nila e. You have to remove yung kanilang web o yung kanilang sindikato po dito. Part lang po ng sindikato itong dalawang na ito, Si Kelly tapos ibang grupo nila,” aniya.

“We cannot mention the name kasi tuloy-tuloy po yung paghahabol namin ng mga taong ito,” pagpapatuloy nito.

Matatandaan na noong Abril 10 ay kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na natagpuan sa loob ng nylon bags sa madamong bahagi ng gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal ang bangkay nina Que at drayber nito.

Pinangalanan ng PNP ang nasa limang suspek sa pagpatay kay Que at drayber nito na nasa kustodiya na ng pulisya. RNT/JGC